Ang love, parang bike.
May mga panahon na kapag inlove ka, hindi mo mapigilang umabot sa limit ng sarili mong emotions. Yung tipong kahit alam mong dead end na, sige ka parin kahit nauuntog ka na. Minsan masakit lalo na kung alam mo sa sarili mong gusto mo pa talaga, ayaw mo pang bumitaw, pero yung partner mo iniwan ka na sa ere, mag-isa, mukhang tanga.
Parang bike, kailangan dalawa ang gulong, pero yung isa, nawala na, kaya di ka na makaandar ulit. Pero parang bike lang din yan eh, kailangan mo lang ng bagong gulong, siguraduhin mo nga lang na yung fit ang pipiliin mo ulit. Kadalasan kasi, sa sobrang pagmamadali ng tao para mapalitan ang isang bagay na nawala sakanya, sumasablay siya sa pagpili, kaya lalong nasisira ang kabuuan niya. Kung wala ka pang mahanap na kapalit, maglakad ka muna. Pwede naman 'yun diba?
Naaalala mo ba yung mga panahon na crush mo pa lang siya? Yung tipong, kahit nasa malayo ka, alam mong siya yun kahit nakatalikod pa. Para kang stalker, pag naglalaro siya sa may court, titig na titig ka kahit naglelecture si ma'am sa harap. Nakadungaw sa bintana, lutang ang isip mo. Yun yung mga panahon na kapag ngingiti siya, makukuryente lahat ng veins sa loob ng katawan mo. Yung mga mababaw-kilig-moments, yung panahon na isang segundong eye-to-eye contact niyo lang, kumpleto ka na.
Yun kasi yung mga panahon na perfect magtagal, pero hindi pwede. Yun kasi yung panahon na di mo mararamdaman na masakit magmahal. Yun yung mga panahon na masasabi mong love is real, love is perfect, true love exists...
Pero dahil nga ang mga tao, kung mag-mahal, parang economics, minsan nag-iinflate, minsan, nagdedeflate. Kahit pa masaya na yan sa pa-crush crush lang, dadating pa rin sa punto na maghahanap ng mas okay na set-up, mas sigurado, mas cool, mas uso.
Minsan kailangan pa ng ligawan, lalo na kung pakipot ka. Pero minsan, pwede na din yung diretso kayo na. Ganun din naman daw kasi yun eh, magiging kayo din, so why prolong the agony ika nga?
Ang saya mainlove. Tipong may kasama ka kumain ng lunch, dinner. May kasama kang maglalakad sa mall, holding hands, same color of shirts, same bag, o kung anu pang trip niyo to show-off na couples kayo. Meron kang kasamang manood ng sine. Merong magbibigay sayo ng flowers. Merong nagpapadala sa'yo ng sweet notes, susundo sa'yo sa school, sa work, sa gimiks. May sisita sayo kapag may ginagawa kang kalokohan, at kikiligan ka tuwing sesermonan ka niya kapag nalasing ka, nasugatan, o napagod. Mayroong magtetext sa parents mo ng "Tita, tito, mahal ko po anak niyo.", may tutulong sa'yo magsolve ng problema mo. Mayroon kang kaibigan, ka-ibigan, at kasama.
Kaya lang... minsan, kahit mukhang pang forever na, sablay pa rin. Hindi naman kasi lahat ng bagay, kahit gaano mo pa kagusto, kahit gaano mo pa iniingatan, destined na mapasayo. Ganyan eh, kailangan mong maranasang mawalan, para pagdating ng panahon, alam mo na kung ano ang dapat mong alagaan.
Oo, masakit talaga masaktan. Mahirap maiwanan, pero atleast magkakaroon ka ng karanasan. Matitikman mo kung gaano kasarap ang buhay, lalo na kung alam mong lahat ng meron ka, di mo nakalimutang paghirapan.
Sabi nila, yung mga broken-hearted na mahilig magdrama, na mahilig magsenti, mahilig magpakita ng totoong nararamdaman, EMO. Ewan ko ah, pero nasubukan na ba nilang masaktan? Hindi kasi nila alam, process by process yan. Ang sugat, hindi naman gumagaling sa loob ng isang segundo. Ang kaibahan lang, yung iba, dumadaing, pero yung iba, tahimik lang.
Ang masasabi ko lang, love is complicated. Kahit matagal na panahon mo ng hawak hawak, in the end, hindi rin naman pala para sa'yo. Kahit pa marami nang masasaktan pag binitiwan mo pa, kailangan mo pa rin mag let-go. Kasi, kung hindi mo gagawin, hind mo makukuha kung ano ang nakatakda.
Ang korni no? Ang korni ng love, pero nakakatuwa. Biruin mo 'yun, ang love.. parang bike.