Ako yung tipo ng taong minsan sablay. Ay! hindi pala minsan, madalas pala. Madalas makahulog ng gamit, madalas makatabig ng pinggan, baso, kutsara, tinidor, pitsel, palanggana, tabo, o kung ano pa mang bagay ang pwede kong matabig, minsan nga pinapraktis ko pang hawakan ng mabuti ang kung ano mang mahahawakan ko para siguradong hindi ko ‘to mabibitawan pero sa huli may kamalasan pa ring mangyayari. Di lang yun, madalas pa akong matumba, madapa, makabangga ng kung anu-ano o kaya kung sinu-sino, matisod, at kung anu-ano pang pwedeng mangyaring pagkamalas-malas, o katawa-tawa. Siguro nga pinganak lang talaga akong malamya. Siguro nga, no?
Kaya lang minsan nakakahiya, eh! Paano ba naman, sa dinami-dami ng lugar na pwede akong mag-exhibition, doon pa talaga sa harap ng crush ko! Biruin mo iyon? Magta-tumbling na lang ako doon pa talaga sa harap ng pinagpapantasyahan kong lalaki. Yun ang unang beses kong mag-ala darna sa harap ng crush ko. Nakakahiya! Nakakaloka! Pero at least, iyon naman ang dahilan kung bakit niya ako pinuri.
Madaming tao noon sa eskwelahan namin e, marami kasing mga grade 6 students na kumukuha ng entrance exam, karamihan sakanila galing pa ng mga ibang bayan at probinsya. Dahil nga entrance exam day iyon, pinagsama ang dalawang section ng second year sa iisang silid-aralan. Kailangan kasing gamitin yung mga ibang class room para doon sa mga mag te-take ng examination. Hindi din naman kami nagka-klase dahil nagre-record kami ng istorya para sa English subject namin. Yung parang mga storya sa radio? Tapos ipaparinig sa buong klase, para kunwari cool!
Pangatlong subject pa lamang namin iyon sa umaga, mga alas nwebe pa lang, nasa labas kami ng class room na naka-assign para gamitin namin, saktong nasa tabi iyon ng class room na ginagamit ng klaseng kinabibilangan ng crush ko. Sinasadya ko pa ngang doon talaga kami pumwesto sa labas eh, para kahit di ko makita yung crush ko dahil nasa loob siya ng room nila, alam kong pwede niya akong makita. Tapos kung makapagsalita pa talaga ako noon akala mo yung kausap ko isang kilometro ang layo sa akin, para talaga marinig niya akong nagsasalita. Style ko bulok no? Kumita nay un dati, e. Pero ganoon talaga, makapagpapansin lang.
Habang binabasa ko ‘yung script ng storyang nirerecord namin, pasulyap-sulyap naman ako sa loob ng room nila, hinahanap ko kasi kung saan siya nakaupo. Pero di ko pa rin makita dahil medyo malayo at nakaharang iyong bintana nila. Gayunpaman, patuloy pa rin ako sa pagpapapansin dahil alam kong nakikita niya pa rin ako. Patuloy pa rin kami sa pagrerecord ng kwento. Palaging may mga re-take dahil kung hindi kami natatawa, nabubulol naman kami. Pero ayos lang, masaya at nakakatuwa kasi, at para sa akin, may bonus pang kakiligan. Obvious na obvious talaga kung paano ako makatingin sa class room nila crush, pati lahat ng kilos ko ay detalyado, pa-demure na papansin, ganoon na ganoon. Pero buti na lang ‘di iyon napapansin ng mga groupmates ko, na kaya ako parang kiti-kiting paseksi kung gumalaw ay dahil nga nasa tabi kami ng room nila crush. Nasa plot na kami noong nirerecord naming kwento.
“Maarioo!” malamya ang aking pagkakabigkas. Hindi ko kasi alam na dapat pala akong sumigaw.
“Ano ka ba, dapat isigaw mo, parang ganito… Marrrriiooooooo!!” sabi sa akin ng ka-grupo ko, with matching demonstration pa talaga iyon, ha. Medyo pinraktis ko muna iyong linya, bago mag take-two.
Okay, handa na ako. Game na. “MAAAAARRRRRIOOOOOOO-----”, bago ko pa man matatapos ang aking linya ay dumulas ang aking paa sa mga damong inaapakan ko. Nakataas pa talaga ang mga kamay ko noong isinisigaw ko ang pangalang iyon na akala mo ay susugod at papatay ng tao. Hindi lamang dumulas ang mga paa ko, sumemplang pa ako sa lupa at bumaligtad. Tumaas ang aking palda, buti na lamang at naka-shorts ako noon, kung ‘di ay nakitaan na ako. Pagka-semplang na pagka-semplang ko ay sa room ng crush ko ako unang tumingin, nakita ko iyong kaklase niyang nakaupo sa tabi ng pinto na tawa ng tawa, kahit ng malayo siya ay kitang kita ko pa ang mga gilagid niya kakahalakhak dahil sa nangyari sa akin. Juskopo! Parang ayaw ko ng tumayo. Parang sana tumama na lamang yung ulo ko sa bato at nabagok ako, para itakbo na ako sa ospital at makaiwas sa kahihiyan. Pero siyempre wala naman akong choice, kaya tumayo na ako at nagpatay-malisya. Tapos tawa na kami ng tawa ng mga kagrupo ko, kasabay ng pagtawa ng mga estudyanteng nakakita. Sa isip-isip ko na lang, ‘kaya niyo iyon’?
Natapos ang araw na iyon na masaya, kahit pa sumemplang ako sa school ng umagang –umaga. Nahihiya ako sa sarili ko dahil sablay iyong pagpapapansin ko, dahil nag-exhibition ako sa harap ng class room nila. Di ko man sigurado kung nakita niya akong natumba, nahihiya pa rin ako. Pero bago pa man ako matulog, nakatanggap ako ng text.
“anG kYut mO kena ah,,nakiKita kita sa Labas nG rum,,hehe,,ganda nG boses mo,,sabi nib Elle nag-exhibitiOn ka rAw,saying dikO nakiTa,,perO ang gaLing galing mOng magrecord,,ang ganda nG bosEs mO.hehe,,yngat!gudnyt:)” Oo, ganyan ‘yung text niya, nakasulat kasi sa diary ko, jejemon pa kasi ang mga tao noon, kaya okay lang. Hay! Sumemplang man ako noong araw na iyon, jackpot naman, kasi iyon ang first time na nakatanggap ako ng complement sa taong gusto ko…
No comments:
Post a Comment